Lugawan in the City

Friday, May 11, 2012

Ang Araw ni Katya


saksakan ka ng sungit! oo! at alam mo 'yan! naalala ko pa nung bata pa ako, ayaw mo akong palabasin sa tanghali dahil kailangan kong matulog. parusa kaya sa'ken 'yun.kurot na walang kasingsakit ang ipinapataw mong parusa kapag tumatakas ako. kulang na lang ipahid ko ang SHULAMI (kulangot) sa aking twinkling eyes at magpapanggap silang mga muta para lang hayaan mo akong makalaya kahit sikat na sikat pa ang araw.

tila mga flying saucers ang mga hangers sa bahay kapag sobrang gulo ng paligid dahil pinaghahagis mo sila habang ako ay mga nakahilata pa rin sa aking higaan. ang lakas mo lang manira ng tulog di ba?

sukdulan talaga ang inggit ko sa mga kaklase ko noong elementarya dahil nakaranas sila magsuot ng BUTCH(boots), mag-alaga ng digital pets o tamagotchi at magpayabangan ng mga bag na may gulong or strollers. ang sususyal nila. samantalang ako pilit kong pinagkakasya yung sampung pisong pinapabaon mo sa akin noon araw araw. todo tipid talaga ang ginagawa ko para lang ma-experience ng dila ko ang tamis asim ng NERDS at CRY BABY.

ilang beses ka bang nangako na rereguluhan mo ako ng telepono? taun taon mula nung high school hanggang kolehiyo, puro pangako. kahit nga PAGER hindi ko man lang naranasan.

alam mo rin ba inggit na inggit ako sa mga kalaro ko noong bata ako. hinahayaan lang sila na maglaro maghapon. kahit hatinggabi na, nae-enjoy pa rin nila ang kalye dahil walang sumusuway sa kanila. eh ikaw? alas 9 pa lang ng gabi dinig na dinig ko na yung boses mo. nagsusumigaw upang pauwiin ako. imbiernang imbierna talaga ako sa'yo nun! hindi ko man lang ma-showcase ang galing ko sa paglalaro ng BANGSAK at TAGUTAGUAN. outstanding pa naman ang performance ko sa mga larong yun. kaya lang lagi mo ako pinapauwi agad.

alam mo ba na KATYA ang tawag sa'yo ng mga friends ko nung college? kasi naman, kada daratnan ka nila sa bahay naten kung hindi ka nakatapis ng tuwalya dahil kakatapos mo lang maligo, nakasando ka lang na manipis at shorts na walang pinagkaiba sa panty. juice ko! kinabog mo talaga sina maui taylor at yung iba pang viva hotbabes sa pang araw araw mong eksena.

pero alam mo rin ba na mas nainis ako sa sarili ko nung na-realize ko kung gaano kahirap ang trabaho mo. kung gaano ka ka-ngarag sa dami ng ginagawa mo at hirap mo. napagtanto ko na ang trabaho mo ang pinakahaggard na trabaho sa balat ng lupa.

kahit anung gigil at inis mo sa'ken dahil sa sobrang tigas ng ulo ko, marinig mo lang ang "sorry" mula sa'ken, nakakalimutan mo na lahat ng galit. ikaw rin ang nakadiskubre ng tunay kong pagkatao. anu'ng ginawa mo? nagyakapan lang tayo, nag-iyakan at buong puso mong tinanggap kung anu ako.

alam mo namang iyakin ako pero anu nga ba yung text mo sa'ken nung last birthday mo habang nasa hospital ako hinihintay ka, "MAGPAGALING KA LANG, 'YUN NA ANG GIFT MO SA'KEN!" lalo akong napahagulgol dahil hindi lahat ng tao makakaranas ng kung anu ang pinaranas mo sa'ken.

hindi man maayos ang pagkakasulat ko nito, alam naman Niya na galing sa puso ko lahat ng nakasulat dito. hindi ko alam kung bakit ikaw ang ibinigay NIya sa'kin. masama ang ugali ko pero bakit tila isang napaka-espesyal na regalo pa ang ibinigay Niya sa'ken.

sakali mang mawala ako at magkaroon tayo ng susunod na buhay, hihilingin ko sa Kanya na ikaw muli ang kanyang ibigay. hindi lang alam ng mga tao kung gaano ako kasuwerte magkaroon ng isang tulad mo. MAHAL NA MAHAL KITA, MAMA! IKAW ANG PINAKA-ESPESYAL NA BABAE SA PUSO KO.

Share This

1 comment:

  1. waaaah!!! grabe ka huggie bear, napaluha ako sa iyong makatang pagpupugay kay Katya!! Suuhhwwweeett mmooo!!! Na-miss ko nanay ko!!! Happy Mothers Day to all the hot momma's out there! Mabuhay kayo! :D

    ReplyDelete

Designed By Blogger Templates | Distributed By Gooyaabi Templates